NAGDEKLARA si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ng suporta kay Sara Duterte at sa kanyang Hugpong ng Pagbabago (HnP) sa paglulunsad ng pambansang kampanya sa Clark, Pampanga kahapon.
Buong-buo aniya ang kanyang suporta rito kasama ang mga senatorial candidates ng koalisyon.
“All out, all out,” ani Arroyo.
Kasama sa mga senatorial candidates ng HnP ang reelectionists na sina senators Sonny Angara, Cynthia Villar, at Aquilino “Koko” Pimentel III; si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, ang dating mamamahayag na si Jiggy Manicad, Pia Cayetano, Joseph Victor “JV” Ejercito, Ramon “Bong” Revilla, Jr., ang dating political adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Francis Tolentino, ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) Ronald Dela Rosa, ang kongresista ng Maguindanao Zajid Mangudadatu, at ang Special Assistant to the President Bong Go.
Nagpasalamat si Arroyo kay Mayor Sara Duterte sa pagpili sa Pampanga para sa paglulunsad ng kampanya ng HnP.
“Oh we’re very honored. We think it’s a recognition of the fact [that] in the last elections, the biggest majority of [votes] of Mayor Duterte outside his bailiwick was in Pampanga. We hope we can duplicate that,” ani Arroyo na sinamahan ng ilang reporter mula sa Kamara.
Malaki ang naging papel ni Mayor Sara sa pagpatalsik kay dating Speaker Pantaleon Alvarez at sa pagluluklok kay Arroyo bilang speaker.
Ang Otso Diretso ng oposisyon ay naglunsad ng kanilang kampaya sa San Roque Cathedral sa Caloocan.
Kasama sa line up ng Otso Diretso sina Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, reelectionist Sen. Bam Aquino, human rights lawyer Chel Diokno, Marawi civic leader at peace advocate Samira Gutoc, dating Solicitor General Florin Hilbay, at election lawyer Romulo Macalintal.
Tutungo ang grupo sa Naga City ngayon (Miyerkoles) para sa dialogo nila sa mga estudyante ng Camarines Sur Polytechnic College at kick-off rally sa Plaza Quezon ng lungsod sa gabi.
ni Gerry Baldo