LIMANG miyembro ng ‘gunrunning’ syndicate ang napatay ng mga operatiba ng Quezon City Police District – District Special Opreation Unit (DSOU) nang manlaban at mabaril ang isang pulis na poseur buyer sa lungsod, kahapon ng hapon.
Sa ulat kay QCPD Director, Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., isa sa limang gunrunners na napatay ay kinilala sa pangalang Michael Desuyo, tubong Pampangga.
Naganap ang enkwentro sa pagitan ng mga operatiba ng QCPD-DSOU at ng mga miyembro ng sindikato dakong 5:10 pm sa De Vega Compound, corner Dahlia at Iris streets., Brgy. Fairview, Quezon City.
Ayon kay Supt. Gil Torralba, hepe ng DSOU, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa ilegal na pagbebenta ng mga baril ng mga suspek kaya agad nagkasa ng buy-bust operation laban sa mga suspek.
Tumayong ‘buyer’ si PO1 Ronald Pornea ngunit nang makahalata ang mga suspek na pulis ang kanilang kaharap agad na pinaputukan ang isang pulis dahilan para maalarma ang mga kasamang operatiba kaya nagkaroon ng shootout.
Isinugod sa kalapit na ospital ang pulis na si PO1 Pornea dahil sa tama ng bala ng baril sa kaliwang braso.
Nasamsam sa mga napatay ang buy bust money (1 pc P1000 bill dusted money, 95 piraso ng P1000 bill bilang boodle money); 12 piraso ng cal 38 202 Armscor revolver; 2 piraso ng cal .45 pistol na may magazine at mga bala, at tatlong piraso ng cal 38 revolver.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya, upang makilala ang mga napaslang na suspek.
ni ALMAR DANGUILAN