MATAPOS ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na “special non-working day,” walang pasok ngayong araw, 13 Pebrero sa lungsod ng Parañaque para sa pagdiriwang ng ika-21 anibersaryo ng cityhood nito.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ang naturang kautusan ay ipinatupad sa bisa ng Proclamation No. 665.
“It is but fitting and proper that the City of Parañaque be given full opportunity to celebrate and participate in the occasion with appropriate ceremonies,” ayon ito kay Executive Secretary Salvador Medialdea na lumagda ng naturang executive order sa kautusan ni Pangulong Duterte.
Bahagi rin ng pagdiriwang ng ika-21 anibersaryo ng cityhood, kahapon ay ipinahayag ng alkalde ang kanyang 6th State of the City Address tampok ang kasalukuyang financial status ng lungsod.
Aniya, sa kasaysayan ng lungsod, sa unang pagkakataon ay nabayaran nito ang utang ng nakaraang administrasyon sa Land Bank of the Philippines, na nasa P1 bilyon.
Bukod dito, magkakaroon ng mga aktibidad ang siyudad tulad ng ecumenical service, medical at dental missions, Sunduan Exhibit, Run at Zumba, Lambat Festival at fireworks display sa SM City Sucat, na sinimulan nitong Huwebes, 7 Pebrero, hanggang ngayong araw, 13 Pebrero.
Nagkaroon din ng drum and lyre competition, interpretative dance contest, street dance kids challenge at pageant night ng ”Gandang Mamita at Bb. Parañaque 2019″ na isinagawa nitong Linggo, 10 Pebrero.
(JAJA GARCIA)