KAILANGAN magpasa ng batas ang Kongreso at pumasa sa panlasa ng mga Pinoy sa pamamagitan ng referendum ang balak ni Pangulong Rodrigo Duterte na baguhin ang pangalang ‘Pilipinas.’
“The Constitution provides that Congress may enact a law that can change the name of the country and then submit it to the people for a referendum,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Bahala aniya ang mga mambabatas na magpanukala ng batas na magpapalit sa pangalan ng ‘Pilipinas’ sa Maharlika at magsagawa ng congressional hearings sa isyu.
Giit ni Panelo, ang opinyon ng Pangulo hinggil sa pagbabago ng pangalan ng bansa ay bunsod ng pagsusulong ng “national identity” at ang Maharlika ay nagpapakita ng Malay identity ng bansa. Ang ‘Pilipinas’ ay hango umano sa pangalan ni King Philip ng Espanya.
Bago ito, isinusulong ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gamitin ang wastong Filipinas kaysa Pilipinas.
Batay sa pananaliksik ng KWF, ang pangalan ng ating bansa ay hango sa Felipe Rey (Haring Felipe) ng España at hindi sa salin ng English na King Philip, na pinaniniwalaang pinagkuhaan ng Philippines.
Isa rin sa basehan na ibalik ang pangalan ng bansa bilang Filipinas dahil ganito ang nakasulat sa mga lumang dokumento ng kasaysayan.
“Well, sa tingin ko kay Presidente ay magandang pakinggan ang Maharlika.
“Royalty hindi ba, sa Filipino language, ‘maharlika’ means royalty,” aniya.
Kapag nakalusot aniya ang batas ay tatawagin nang “Maharlikano” o “Maharlikas” ang mga Filipino. (ROSE NOVENARIO)