HINDI kombinsido ang Malacañang sa ‘mahika’ ng endorsement power ng isang presidente para makapagpanalo ng isang kandidato.
Tugon ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa harap ng komento ng mga observers at political analyst na magiging sukatan ang papalapit na midterm election sa anila’y magical powers ni Pangulong Rodrigo Duterte para makapagpanalo ng mga tumatakbo sa eleksiyon.
Ayon kay Panelo, ginagawa ng Pangulo ang endoso dahil sa paniniwalang ang mga binabanggit niyang mga pangalan ang may kapabilidad at dapat na maluklok sa puwesto.
Ang siste, ayon kay Panelo, ay binibigyan ng Presidente ang mamamayan na makapamili ng mga kandidatong sa tingin niya’y karapat-dapat pero hindi sa layuning subukan ang kanyang endorsement power.
Dagdag niya, hindi rin nila ipinapakahulugan na ang pagkakapanalo ng isang oposisyon ay kabiguan sa magical powers ng presidente na mabitbit sa panalo ang isang tumatakbo.
Sa halip, ang pagkakapanalo aniya ng isang kandidato na hindi kaalyado ay dapat ipakahulugan na kaya siya nahalal ay para tumulong at hindi siraan ang administrasyon.
(ROSE NOVENARIO)