MATAPOS ipamahagi ng Kongreso ang P75-bilyones ‘insertions’ ng Department of Budget and Management sa mga mambabatas, nagkakagulo ang mga contractor na nanalo sa bidding.
Ayon kay Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., pinuno ng House Committee on Appropriations, nagbigay na ng ‘commission’ ‘yung iba rito.
Ani Andaya, nagtagumpay ang Senado at Kamara sa re-alignment ng ‘insertions’ ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa Department of Public Works and Highways lingid sa kaalaman ng mga opisyal nito.
“Ang problema rito, malabo nang makuha ng mga nanalong bidders ang mga proyektong kasama sa P75-bilyong insertions. Nauwi sa bula ang mga proyektong binayaran nila through cash advance,” ani Andaya.
Itinangi ni Diokno ang paratang ni Andaya.
Dahil sa takot, nagsauli na, aniya, ang isang opisyal na nakatangap ng P200- milyong commission sa mga contractor na taga-Mindanao. Hindi sinabi ni Andaya kung taga-Davao ang grupong ito.
“Mukhang mas mahal pa rin ng opisyal ang buhay niya kaysa komisyon,” ani Andaya.
Ang commission, ani Andaya, naglalaro sa 10 hangang 20 porsiyento ng proyekto.
“These projects had already been bidded out and ready for awarding to the favored contractors once the President signs the 2019 national budget. This was confirmed by DPWH Usec. Ma. Catalina Cabral during her sworn testimony at the House hearing on budget irregularities,” paliwanag ni Andaya.
Isiniwalat ni Andaya, ang mga napaborang contractors ay may dalawang pagpipiliian, makipag-negotiate ng panibagong kontrata o puwersahin ang mga “project proponents” na isauli ‘yung ibinigay nilang “cash advance” o “commission.”
“Kung hindi isasauli ang pera, puwedeng manganib ang buhay ng suwapang na project proponent,” ayon kay Andaya.
ni Gerry Baldo