MABILIS na reklamasyon ng Manila Bay ang tunay na pakay ng paglalabas ng Executive Order No. 74 para sa mga kaibigang negosyanteng Chinese ng Duterte administration.
Ayon kay Anakpawis Rep. Ariel Casilao kasama sa mga mapapaboran ng EO 74 ay ang 265-hectare Pearl Harbor City project sa Pasay City na pagmamay-ari ng kaalyado ng pangulong si Dennis Uy.
Ang Philippine Reclamation Authority (PRA), ang ahensiyang nangangasiwa dito ay may planong 43 reclamation projects sa Manila Bay.
Bago maglabas ng EO 74 ang reclamation projects ay pinangangasiwaan ng PRA at ng National Economic Development Authority (NEDA), ngayon nasa ilalim na ito ng Office of the President at ang lahat ng reclamation projects ay magkakaroon ng approval ng pangulo.
Ayon kay Casilao, pakitang tao umano ang paglilinis ng Manila Bay at ang tunay na pakay ay reclamation projects.
Kaugnay nito kinondena ni Casilao ang planong demolisyon sa higit 100 kabahayan ng mga mangingisda at maralitang lungsod sa Cavite City kaugnay sa paglinis ng Manila Bay.
Ani Casilao, higit sa 300,000 pamilya ang maaapektohan ng proyektong ito.
Aniya ang ipinapakita ng gobyerno sa taongbayan ay dalawang kilometrong dalampasigan sa Malate habang itinatago ang apat na kilometrong breakwater na isinapribado malapit sa SM Mall of Asia patungong Okada sa Parañaque City.
ni Gerry Baldo