WALA nang basehan ang batas militar na ipinaiiral sa Mindanao sa pangatlong pagkakataon alinusnod sa ilalim ng Saligang Batas.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, sa petisyong inihain sa Korte Suprema kahapon, walang sapat na basehan ang pagpalawig ng batas militar sa Mindanao dahil wala namang nagaganap na rebelyon.
Sinabi ni Lagman at anim pang miyembro ng oposisyon sa Kamara, ang liham ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara noong 6 Disyembre 2018 na humihingi na palawigin ang batas militar ay bigo sa pag-uugnay sa mga bayolenteng ginawa ng mga lokal na terorista at komunistang grupo sa rebelyon o sa pagpapalawig nito.
Ani Lagman, lahat ng reports ng militar at pulis ay nabigong ipakita na may rebelyon sa Mindanao noong ipinatupad ang pangalawang ekstensiyon ng batas militar.
Ani Lagman, walang naaresto o kinasuhan ng rebelyon mula 1 Enero hangang 31 Disyembre 2018.
Giit ng petitioners, walang ganap na rebelyon sa Mindanao.
Ani Lagman, ang Proclamation No. 216 ng Malacañang ay hindi na maaaring palawigin dahil ito ay nawalan nang saysay pagkatapos ng Marawi siege at napatay ang mga lider ng Maute at Abu Sayyaf. Binanggit ni Lagman ang pahayag ng pangulo na “liberated” na ang Marawi noong 17 Oktubre 2017.
ni Gerry Baldo