NAPUGUTAN ang isang 39-anyos Pinay domestic helper matapos hatulan ng kamatayan nitong Martes sa Saudi Arabia dahil sa kasong murder, ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Elmer Cato, kahapon.
Nagpaabot ang DFA ng pakikiramay sa pamilya ng Pinay matapos hatulan ng kamatayan ng Saudi Supreme Judicial Council.
Tumanggi si Cato na magbigay ng karagdagang detalye sa pagkakakilanlan ng Pinay at sa kanyang kaso mtapos humiling ng privacy ang kanyang pamilya.
Ayon kay Ambassador Adnan Alonto, hinatulan ng kamatayan ang nabanggit na Pinay domestic helper ng Saudi authorities nang mapatunayan guilty sa murder.
Ikinalungkot ng DFA ang sinapit ng Pinay dahil hindi naisalba ang kanyang buhay ng gobyerno ng Filipino kahit nag-alok ng “blood money.”
Hindi umano ito na-apply sa ilalim ng Shariah Law.
Nagkaloob ang DFA sa pamamagitan ng Embahada ng Filipinas ng abogado para magbigay ng legal assistance sa lahat ng pagdinig sa kaso ng Pinay sa korte, pagbisita ng kinatawan ng tanggapan at pagbibigay ng updates sa pamilya.
ni JAJA GARCIA