IPINAG-UTOS kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar sa mga district director at chief of police na magsagawa ng mga checkpoint at inspeksiyon sa kanilang mga nasasakupang lugar sa Metro Manila.
Ito’y matapos ang nangyaring pambobomba sa simbahan sa Jolo, Sulu kamakalawa ng umaga na ikinasawi ng 20 katao at ikinasugat nang mahigit sa 100.
Inilagay na sa “full-heightened alert status” ang buong bansa kasunod nang mahigpit na direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde kay Eleazar.
Ayon kay Southern Police District (SPD) director, Chief Supt. Eliseo Cruz, higit aniyang paiigtingin ang mahigpit na checkpoint sa mga entry at exit point ng Metro Manila upang hindi malusutan ng masasamang elemento partikular ang maghahasik ng karahasan tulad ng grupo ng mga terorista.
Magsasagawa nang mahigpit na pagbabantay sa matataong lugar tulad ng mga simbahan, shopping malls at terminals.
Nanawagan din ang NCRPO sa publiko na tulungan sila, maging alerto at maging mapagmatyag sa lahat ng oras 24/7.
Kapag may kahina-hinalang pagkilos ng ilang indibiduwal at ilang grupo sa kanilang lugar agad i-report sa hotlines ng himpilan ng pulisya upang agad marespondehan.
Inilagay ng buong puwersa ng pulisya sa ”full heightened alert status” ang buong bansa partikular ang buong Metro Manila dahil sa naganap na pagsabog sa simbahan.