DUMISTANSYA ang Palasyo sa panukalang batas na may layuning ibaba sa 9-anyos ang criminal liability mula sa 15 anyos ng isang Filipino.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kahapon, hindi makikialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinusulong na ‘Batang Bilanggo Bill’ na lumusot sa Justice Committee ng Mababang Kapulungan bagama´t nais din niya na ibaba ang edad ng criminal liability.
“The President will not interfere with the measure, because that’s the lawmakers’ job. We will wait kung ano ang final,” ayon kay Panelo.
“All he (Duterte) has been saying since the campaign is he wants that lowered. And we will leave that to the lawmakers,” dagdag niya.
Kaugnay nito, binuweltahan ni Panelo si UN Special Rapporteur Agnes Callamard sa pagkatig sa pagbatikos ng UNICEF Philippines sa ‘Batang Bilanggo Bill’ at tinawag na “kahiya-hiya” at “dangerous and potentially deadly proposal.”
Ani Panelo, hindi dapat sumasawsaw sa internal na usapin ng bansa si Callamard.
Batay sa tweet ng UNICEF Philippines, kung ang siyam na taon gulang ay itinuturing ng mga mambabatas na hinog na ang isipan para malaman ang bawal sa hindi, bakit 18-anyos ang umiiral na legal age sa bansa para magpakasal, pumasok sa kontrata at magtrabaho ang isang Filipino?
(ROSE NOVENARIO)