ANG imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects kinasasangkutan ni Budget Secretary Benjamin Diokno at kanyang mga balae na nagmamay-ari ng Aremar Construction sa Sorsogon ay hindi matatapos sa pagbibitiw ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya bilang chairman ng House Committee on Rules.
Inaprobahan ng mga kongresista ang mosyon ni Andaya na ilipat ang imbestigasyon sa House Committee on Appropriations na kanyang lilipatan.
Pilit na itinatanggi ni Diokno ang mga paratang na pinaboran niya ang Aremar Construction na pagmamay-ari ng nga Hamor ng Casiguran Sorsogon.
Ang anak ni Diokno na si Charlotte ay asawa ni Romeo Sicat Jr., anak ni Ester Hamor sa unang asawa.
Nakinabang nang malaki, ayon kay Diokno ang Aremar Construction sa mga joint venture projects nito sa CT Leoncio Trading and Construction sa mga flood control projects sa Casiguran, Sorsogon.
Inakusahan ni Andaya si Diokno na inamyendahan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa Government Procurement Reform or Republic Act (RA) No. 9184 para legal na makalahok ang kanyang ahensiya sa bidding ng mmalalaking proyekto sa bansa.
Nakasaad sa RA 9184, ang bidding ay gagawin ng ahensiya kung saan nakalagay ang pondo para sa proyekto. May P81,107,036, umano’y, pondo ang napunta sa Aremar kaugnay sa mga proyektong napunta sa dummy contractors.
“Hindi lang sa NEP (National Expenditure Program) may insertions ang DBM. Mayroon din inserted provisions sa IRR para baluktutin ang mga probisyon ng RA No. 9184,” ani Andaya.
“Maliwanag po sa RA No. 9184. ‘Yung procurement ng isang departamento, batay sa Annual Procurement Plan niya o APP. Fixed ito at hindi pabago-bago dahil nakabatay sa plano. Kung nasaan ang pondo, siya rin ang magsasagawa ng procurement o bidding activities. Hindi raw puwedeng mag-procure o magpa-bid kung labas sa Annual Procurement Plan ng departamento,” dagdag niya.
Paliwanag ni Andaya, inamyendahan ni Diokno bilang chairman ng Government Procurement and Policy Board (GPPB) ang Rule II Section 7.3 ng RA No. 9184 para magkaroon ng basehan ang mga ahensiya na ipa-bid sa iba ang mga proyekto nila.
Si Andaya ang awtor ng R.A. 9184.
“Sa insertion na ito, deretso nang sinasabi sa mga departamento na puwede nilang ipasa ang bidding ng kanilang mga proyekto sa ibang procurement entity kung wala silang proficiency o capability na magsagawa ng bidding. Dahil dito puwede nang ipasa ng DOTr ang bidding sa PS-DBM kung sa tingin nila ay mas proficient o capable ang nasabing opisina kaysa kanila,” ani Andaya.
Nauna nang sinabi ni Andaya na nagpa-bid ang DBM ng consultancy para sa mga proyekto ng gobyerno sa halagang higit P37-bilyones.
ni Gerry Baldo