NAIINIP na si Pangulong Rodrigo Duterte sa mabagal na usad ng Charter change sa Kongreso kaya nais niyang unahin ang amyenda sa ilang economic provisions.
Paliwanag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, naiinip ang Presidente sa galaw ng Kongreso tungkol sa federalismo at walang nakikitang seryosong hakbang sa hanay ng mga mambabatas para ito’y maisakatuparan.
Inihayag ni Panelo bagama’t nais ng Pangulo na paspasan ang naturang usapin, hindi naman aniya uubra na gawin itong mag-isa ng Presidente dahil kailangang kumilos dito ang Kongreso.
Kung hindi rin lang makaaasa nang mabilis na aksiyon sa federalismo mula sa mga mambabatas, baka maaaring unahin ang amyenda sa ilang economic provisions sa pangkalahatang pagbabago ng Saligang Batas.
Kabilang sa nais amyendahan ang pagkakaloob ng kaluwagan sa pagpasok ng foreign investments sa bansa. (ROSE NOVENARIO)