SINAKSAK hanggang mapatay ng 38-anyos binata na sinasabing may diprensiya sa pag-iisip ang nakababatang kapatid sa Parañaque City, nitong Linggo ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Parañaque ang biktimang si Jonathan dela Vega Capistrano, 28, binata, construction worker, tubong-Naga Catanduanes, residente sa Capernum, Purok 7, Morales Compound, Barangay Moonwalk, dahil sa mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nahuli agad ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP-6) at tanod sa barangay ang suspek at kuya ng biktima na si Orlando dela Vega Capistrano, 38, binata, residente rin sa naturang lugar.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang pananaksak dakong 9:00 ng gabi.
Base sa inisyal na pagsisiyasat, katatapos makipag-inuman ng biktima at nililinis ang lugar nang biglang sumulpot ang kanyang kuya na armado ng kutsilyong may 10-pulgada ang haba at walang sabi-sabing sinaksak nang ilang beses ang kapatid niyang si Jonathan.
Dali-daling isinugod ng kanyang kaanak ang biktima sa naturang pagamutan ngunit binawian ng buhay.
Agad nahuli ng mga nagrespondeng pulis at tanod ang suspek at narekober ang patalim na puno pa ng dugo.
Sa pahayag sa awtoridad ng kanilang ina na si Emelita dela Vega Capistrano, 59, ang suspek ay may mental disorder.
Sasampahan ng kasong parricide, at paglabag sa PD9 as amended by BP 6 (illegal possession of bladed weapon) at BP 561 (Omnibus Election Code) sa Parañaque Prosecutor’s Office.
(JAJA GARCIA)