IPINASA kahapon ng Justice panel ng Kamara ang panukalang ibaba sa 9 anyos ang edad ng criminal liability ng bata taliwas sa kabila ng pagbatikos dito.
Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin kabaliktaran ito ng Juvenile Justice Welfare Act or RA 9344.
Nagpahayag ng matinding pangamba si Villarin sa kadahilanang mapaparusahan ang mga bata sa ilalim ng baluktot ng sistema sa hudikatura ng bansa.
“Putting children under our much-flawed criminal justice system condemns them to a life of crime and punishment. Instead of a welfare system that won’t stigmatize and isn’t punitive in approach, we imprint on their minds that society see them as criminals,” pahayag ni Villarin.
Sa ilalim ng panukala, ang mga bata ay itinuturing na may kasalanan hanga’t wala siyang pruweba na wala siya sa tamang kaisipan.
Aniya, ang pagmamadali ng justice committee sa pagpapasa ng panukala na walang siyentipikong basehan at ebidensiya ay nagpapakita kung paano naging ‘bully’ ang Kamara.
Kaugnay nito, nagpahayag rin ng pangamba ang child rights advocates sa bansa at sa iba pang sulok ng mundo dahil sa panukalang ito.
Masama, anila, sa mga bata ang panukala na ipinasa ng committee on justice na pinamumunuan ni Mindoro Rep. Salvador “Doy” Leachon.
Nanganganib ang mga bata na makulong kasama ang iba pang kriminal.
Ang itinuturong kulungan ng mga bata sa ilalim ng Juvenile Justice Welfare Act, ayon sa mga child welfare advocates ay hindi sapat dahil 55 units lamang ito sa kasalukuyan.
Ayon sa JJWA, ang Bahay Pagasa na pagdadalhan sa mga bata ay naitayo sa 81 probinsiya at sa 33 highly urbanized cities sa bansa.
ni Gerry Baldo