NANAWAGAN si dating Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang paninira sa kanya at iba pang matitinong kawani ng pamahalaan, gaya ng mga guro.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Taguiwalo, hindi krimen ang igiit ang demokratikong karapatan na maging kritikal sa mga patakaran at programang kontra-mamamayan at kontra-mahirap.
“I call on the President to stop demonizing me and other upright civil servants like my fellow teachers whose only crime, if it can be considered a crime, is to exercise our democratic right to be critical of policies and programs that are anti-people and anti-poor,” ani Taguiwalo.
Binigyan-diin ni Taguiwalo na wala siyang ibinigay na pera sa New People’s Army (NPA) at hindi rin sila inilista bilang benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ito ang buwelta ni Taguiwalo sa paulit-ulit na akusasyon sa kanya ni Pangulong Duterte na nakinabang ang mga rebeldeng NPA sa panahon niya sa DSWD
“No, Mr. President, I did not give money to the NPA nor did I enrol them in the 4Ps,” ani Taguiwalo sa kanyang Facebook page matapos muling ihayag ni Pangulong Duterte sa Cotabato City na binigyan niya ng pera ang mga kasapi ng NPA.
Giit ni Taguiwalo, ang mga pamilya ng mga sundalong napatay sa larangan at mga indigenous people ang kanyang isinama sa talaan ng 4Ps batay sa utos ni Pangulong Duterte.
Ang mga akusasyon laban sa kanya ng Pangulo, giit ni Taguiwalo, ay walang basehan at hindi lumutang sa ilang beses niyang pagsalang sa Commission on Appointments.
“I have been very open and transparent during my term. The President knows very well how I assiduously and continuously reported to him the services and activities of the department,” dagdag niya.
Batid at patutunayan ng mga kawani ng DSWD ang uri ng kanyang liderato at pagtatrabaho sa kagawaran.
ni ROSE NOVENARIO