KINUWESTIYON ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., ang P37-bilyong bidding ng Department of Budget and Management (DBM) para sa consultancy sa iba’t ibang proyekto ng gobyerno.
Ani Andaya, hindi lamang bidding ang ginawa ng DBM para sa multi-billion big-ticket infrastructure projects, naging one-stop megamall rin ito para sa mga consultant na nag-bid para sa malalaking halagang kontrata.
Isiniwalat ni Andaya na hawak nila ang mga dokumentong magpapatunay na noong nakaraang 2018 ang DBM Procurement Service ay nagpa-bid ng P37 bilyon para sa consultancy sa mga proyekto ng gobyerno.
Aniya, ang pinakamalaking kontrata ay nagkakahalaga ng P14.3 bilyones para sa Project Management Consultancy ng PNR South Long Haul Project ng North-South Railway Project. Nai-award ito noong 31 Oktubre 2018.
Halos P11.7 bilyones ang ipina-bid para sa General Consultancy ng Metro Manila Subway Project Phase 1 (Valenzuela-Parañaque) na nai-award noong 18 Oktubre 2018.
Ani Andaya, isa pang kontrata ang ipina-bid ng DBM para sa General Consultancy ng Metro Manila Subway Project Phase 1 sa halagang P11.7 bilyones.
Paliwanag ni Andaya, ang P37-bilyong kontrata para sa mga consultant ay bahagi ng P168-bilyon pondo na ipinasa ng Department of Transportation sa DBM Procurement Service upang ipa-bid.
Ang mga dokumento ay nanggaling kay Bingle Gutierrez, Executive Director ng DBM Procurement Service noong nag-testify sa pagdinig ng House Rules Committee nitong Martes, 15 Enero 2019.
“Para talagang megamall na ng kontrata ang DBM. Hindi lang contractors at suppliers ang pumipila sa DBM para makakuha ng kontrata. Pati pala mga consultants, pumipila na rin doon,” ani Andaya.
ni Gerry Baldo