MALIBAN sa mga banat ng oposisyon sa parusa ng TRAIN (Tax Reform Acceleration and Inclusion) Law, binatikos na rin ng mga kaalyado ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa Kamara ang kapalpakan ng batas para abutin ang target nitong excise tax collection sa mga produktong petrolyo noong nakaraang taon.
Ayon kay House minority leader Danilo Suarez, ang nakolekta ng TRAIN mula Enero hanggang Setyembre 2018, umaabot lamang sa P41.9-bilyon.
Sa panayam sa media, sinabi ni Suarez na nagkulang ng P2.3-bilyones para abutin ang target na P44.3-bilyon sa unang siyam na buwan ng 2018 kung kailan ipinatupad ang unang yugto ng batas.
Humigit sa P50 kada litro ang presyo ng unleaded gasoline noong nakaraang taon dahil dito. Bumaba ito nang isinuspende ang batas sa huling mga buwan ng nakaraang taon.
Pero tumaas muli nang halos P2 bawat litro pagpasok ng 2019 matapos ipatupad ang pangalawang yugto ng batas.
Kaugnay nito, binatikos ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang gobyernong Duterte sa pagpatupad ng pangalawang tranche ng TRAIN Law.
Aniya, pataw nang pataw ang gobyerno ng buwis sa kabila ng pagkabigong kolektahing mabuti ang target.
“Ang naging ugali ng gobyerno kapag kinulang ang koleksiyon ay magdagdag ng buwis. So eto ngayon, hindi mo nga makokolekta ang karamihan sa buwis, gagawa ka ulit ng bagong batas na magpapahirap sa mamamayan,” ani Zarate.
(GERRY BALDO)