TRAHEDYA ang kinauwian ng pag-ibig ng mag-asawang overseas Filipino workers (OFWs) na piniling magpulot-gata sa Maldives matapos ang kanilang kasal dalawang linggo na ang nakararaan.
Kinilala ang mag-asawang high school sweethearts na sina Leomer at Erika Joyce Lagradilla na ikinasal bago matapos ang taong 2018
Ayon sa mga kaanak at kaibigan, high school sweethearts at 10 taong naging magkasintahan ang dalawa.
Parehong nurse ang dalawa na piniling magtrabaho sa ibang bansa upang masuportahan ang kani-kanilang pamilya.
Sa Singapore piniling magtrabaho ni Leomer at sa Riyadh, Saudi Arabia naman nagtrabaho si Erika Joyce.
Noong 11 Enero, lumipad ang dalawa patungong Maldives na ayon sa kapatid ni Leomer na si Mhapolle ay kanilang dream destination.
Sa kasamaang palad, sa paraiso ding iyon nakasalubong ng magsing-irog ang kamatayan.
Noong Linggom iniulat sa lokal na TV station sa Maldives na RaajjeMV, dalawang turista ang nalunod sa isla ng Dhifusshi sa Kaafu atoll.
Idineklarang dead-on-arrival ang mag-asawa sa ospital ng Dhiffushi ayon sa ulat ng Maldives Police Service.
Nakikiramay ang Department of Foreign Affairs sa pamilya ng mag-asawa at tiniyak na tutulong sa pagpapauwi ng mga labi ng mag-asawa.
Sinabi ng isang taga-isla na unang nalunod si Leomar habang sila ay nag-i-snorkeling samantala humingi ng tulong si Erika Joyce.
Ngunit nang abutan ng dinghy o maliit na bangka ang dalawa, pareho na silang hindi gumagalaw at nakalutang na lamang sa ibabaw ng tubig.
Sinabi ng DFA sa kanilang pahayag na inutusan na nila ang Philippine Embassy sa Dhaka na may hurisdiksiyon sa Maldives, na makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng isla upang maiuwi na ang mga labi ng mag-asawa.
Samantala, humihingi ng tulong ang mga kaanak at mga kaibigan ng bagong kasal na makakolekta ng mahigit isang milyong piso o P634,000 kada isa na dapat bayaran upang maibalik sa bansa ang kanila mga labi.
Ayon sa Facebook post ng isang kaibigan ng mag-asawa na si Nikko Quiogue, sinagot ng employer ni Leomar ang gastusin para sa pagpapauwi ng kaniyang labi kaya ang patuloy binubuo nilang halaga ay para sa labi ni Erika Joyce. (JAJA GARCIA/KARLA LORENA G. OROZCO)