HINDI kasama ang Casiguran, Sorsogon sa P51 bilyong ‘insertions’ sa panukalang 2019 budget kung pagbabatayan ang talaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Salungat ito sa sinasabi ni Majority Leader Rolando Andaya na umano’y pinaboran ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang Casiguran, Sorsogon sa P51-bilyong ‘insertions’ sa panukalang 2019 budget.
“His (Andaya’s) accusations are illusory. The numbers are wrong and the narrative he’s selling is not grounded on facts,” ayon kay Diokno.
Bukod sa rekord ng DPWH, may iba pang dokumento sa naturang ahensiya ang nagsasabi na noong 2018, ang lalawigan ng Albay sa Bicol ay nagtamasa ng pinakamataas na pondo sa pambansang budget sa halagang P11.2 bilyon.
Pangalawa ang Sorsogon na napaglaanan ng pondong P10.5 bilyon, kasunod ang Camarines Sur na may pondong P10.2 bilyon, Masbate na may P4.5 bilyon, Camarines Norte, P3.3 bilyon, at Catanduanes ma may P2.5 bilyon.
Matatandaan, sa Question Hour sa Congress noong nakaraang buwan inakusahan ni Andaya si Diokno na nagbibigay ng malaking pabor sa Casiguran dahil sa kanyang kaugnayan kay Mayor Edwin Hamor at asawang si Sorsogon Vice Gov. Ester Hamor.
Ang anak ni Ester Hamor na si Romeo Sicat Jr., ay asawa ng anak ni Diokno na si Charlotte.
Ngunit sa talaan ng DPWH ang mga sumusunod na alokasyon ang makikita: Lone district of Romblon – P4.74 bilyon para sa flood and road projects; kasunod ang Abra na may P4.1 bilyon para sa flood and road projects; Albay (second district) – P3.7 bilyon para sa flood, building, at road projects; Samar (first district) – P3.3 bilyon para sa building, flood, bridge at road projects; at Davao del Norte (first district) na may P2.9 bilyon para sa building, flood, bridge, road at water supply projects.
Sa kabila nito ang unang distrito ng Sorsogon ay nagkaroon ng alokasyong P705 milyon habang ang pangalawang distrito ay makatatanggap ng P395 milyon para sa flood at road projects.
Nakatanggap rin ang iba pang probinsiya ng matataas na alokasyon gaya ng unang distrito ng Agusan del Norte – P2.87 bilyon para sa flood, bridge at road projects; pangalawang distrito ng Palawan – P1.76 bilyon para sa road projects; pangatlong distrito ng Tarlac – P1.51 bilyon para sa flood projects; pangalawang distrito ng Batangas – P1.26 bilyon para sa road projects; unang distrito ng Albay – P1.25 bilyon para sa flood at road projects; pangalawang distrito ng Camarines Sur – P1.2 bilyon para sa flood projects; Occidental Mindoro – P1.13 bilyon para sa building, flood, road and water supply projects; Davao del Sur – P1.04 bilyon para sa road projects; panglimang distrito ng Leyte – P1.005 bilyon para sa road projects; pangatlong distrito ng Bulacan – P1 bilyon para sa flood projects.
Giit ni Diokno, ang DPWH ang gumawa ng listahan ng mga alokasyon ng budget para sa mga proyekto nito.
“The original budget proposal of the DPWH was P652 billion, and not P488 billion as congressman Andaya claimed in the Question Hour last December 11, 2018. The DBM then initially approved P480.2 billion but in the final phase of budget preparation, the total public infrastructure budget was still short of the government’s commitment to disburse at least 5 percent of Gross Domestic Product for infrastructure. This is why the budget of the DPWH was adjusted by P 75.5 billion,” paglilinaw ni Diokno.
ni Gerry Baldo