INIREKLAMO ng pangongotong ang 57-anyos lalaki na nagpanggap na traffic enforcer ng isang rider na hinihingan ng lagay kapalit ng hindi umano pag-iisyu ng tiket sa ginawang vilotation ng biktima sa Pasay City kahapon ng umaga.
Sa report na natanggap ni Pasay City Police chief, S/Supt. Noel Flores, ang hinuling suspek ay kinilalang si Marcelo Frias, taga-Pilapil St., Bangkusay, Tondo Maynila.
Sinabi ni Flores, hinuli si Frias nina Pasay City Traffic Enforcers T/E Marcelo Magboo at T/E Gerardo Amita sa kahabaan ng Roxas Blvd., malapit sa Buendia flyover dakong 10:15 ng umaga.
Sa pahayag ng biktimang si Fredie Matalang, 35 anyos, binabaybay niya ang kahabaan ng Roxas Blvd., sakay ng kanyang motorsiklong Suzuki, may plakang NCI 3851 nang parahin siya at sitahin ng nagpakilalang traffic enforcer.
Paglapit sa kanya ng suspek, sinabing may traffic violation siyang nagawa at para hindi na matiketan magbigay na lamang ng halagang P200.
Tiyempong nasa lugar ang dalawang lehitimong traffic enforcers na sina Magboo at Amita kaya nabuko ang modus ng suspek dahil hindi siya kilala ng mga tunay at nakatalagang enforcers.
Agad dinala sa tanggapan ng Station and Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police ang suspek na nakatkdang sampahan ng kasong usurpation of authority at extortion. (JAJA GARCIA)