APAT hanggang pitong taong pagkakakulong ang inihatol ng Makati City Regional Trial Court (RTC) sa dating RCBC Jupiter branch manager sa kasong money laundering kahapon ng umaga sa lungsod.
Sa 26-pahinang desisyon ni Makati RTC Judge Cesar Untalan ng Branch 149, si Maia Santos-Deguito, nasa hustong, dating RCBC manager ay may sapat na basehan para idiin sa kaso sa walong counts ng money laudering na isinampa ng Department of Justice (DOJ).
Sa rekord, ang kaso ay may kaugnayan sa US$81 milyong nakaw na salapi mula sa Bangladesh Bank na idinaan sa RCBC Jupiter Branch na si Dequito ang manager.
Partikular ang over-the-counter withdrawal ng US$14.3 milyon na bahagi ng US$81 milyong laundered fund at pinagbabayad din siya ng korte ng halagang US$109,520,044.
Una nang naabsuwelto sa kasong kriminal ang Philrem Service Corp., at tanging si Deguito ang natitirang akusado sa naturang kaso.
Noong 16 Pebrero 2016, na-hack ang Bangladesh Bank at ang US$81 milyong pondo nito ay napunta sa Filipinas sa pamamagitan ng payment instruction na natanggap ng Federal Reserve Bank of New York.
Nakatakdang maghain ng motion for reconsideration (MR) ang kampo ng dating RCBC Manager Deguito kasunod ng guilty verdict ng RTC Branch 149 dahil sa nasabing kaso.
Kaugnay nito, habang umaapela ang kampo ng akusado, inihayag ni Atty. Demetrio Custodio na hindi makukulong ang kanyang kliyente dahil malaon nang nakapaglagak ng piyansa (pero hindi binanggit kung kailan at magkano ang halaga ng piyansa).
Sinabi ni Custodio, abogado ni Deguito, gagawin nila ang lahat ng legal remedies dahil hindi pa naman pinal ang desisyon ng korte.
Una rito, sinabi ni Custodio na hindi umano katanggap-tanggap ang desisyon ng korte dahil walang kinalaman ang trabaho ng kanyang kliyente na marketing officer sa operasyon at aspekto ng banking transactions kaya imposibleng nakapag-withdraw ang akusado ng malaking halaga ng pera sa banko.
Dahil dito, umaasa si Custodio na ikokonsidera ng hukom na may hawak sa kaso kapag naisumite na nila ang kanilang MR.
Naniniwala si Custodio na posibleng may mas mataas pang opisyal ng banko ang sangkot at dapat managot sa US$81 milyong salapi mula sa Bangladesh Bank na idinaan sa RCBC Jupiter Branch.
ni JAJA GARCIA