NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine HIV and AIDS Policy Act of 2018.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang paglagda ng Pangulo ay maituturing na napapanahon at mahalaga sa harap ng report ng Department of Health (DOH) na nagsasabing ang Filipinas ang may pinakamataas na porsiyento ng pagtaas ng mga bagong kaso ng HIV sa Asia Pacific region mula 2010 hanggang 2016.
Pinasalamatan ni Panelo ang mga mambabatas kabilang ang mga stakeholders na nagsulong at nagpasa ng panukalang batas para matugunan ang problema ng HIV at AIDS sa bansa.
Umaasa si Panelo na sa pamamagitan ng batas ay mabawasan ang stigma ng mga tao na may taglay na ganitong uri ng karamdaman.
Layunin ng bagong batas na ayusin ang 20 taon nang legal framework sa pagtugon ng gobyerno sa HIV AIDS.
Sa ilalim ng batas, mas malakas na at modernong polisiya na ang gagamitin ng pamahalaan para tugunan ang problemang ito sa bansa.
Daragdagan din ang pondo para sa HIV prevention, diagnosis at gamutan at kinakailangan ng up to date education hinggil sa HIV at AIDS sa mga eskuwelahan, komunidad, lugar ng trabaho at iba pang mga lugar.
Naitala ng DOH ang 11,103 bagong kaso ng HIV AIDS noong 2017.
(ROSE NOVENARIO)