ISANG babaeng operation officer 7 ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang nasa balag na alanganin matapos magbiro na may dala siyang bomba sa loob ng Cuneta Astrodome sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Pasay City Police chief S/Supt. Noel Flores, ang inarestong DILG operation Officer 7 na si Elsie Castillo, 57, taga-Santan Road, Almar Subdivision, Barangay 177, Caloocan City.
Inireklamo ni Corporal Junalyn Ungab, nasa hustong gulang, miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Base sa ulat, sinusuri nina police officers 1 (POs1) Shaila Gethsemane Pascual Tamaya at Jocyleen Montero, kapwa nakatalaga sa District Personnel Holding Accounting Unit, ng Southern Police District (SPD) katabi si Ungab, ang mga dala-dalang bag ng bawat dadalo sa loob ng Cuneta Astrodome, na matatagpuan sa Bgy. 76, Zone 10 sa Pasay City, dakong 11:50 ng umaga.
Dumating si Castillo sa inspection counter, nang biglang magbiro at sinabing, “Ma’am hindi mo ba kakalkalin, may laman sa ilalim na bomba ‘yan.” Dahil sa tinuran ng opisyal ng DILG, agad siyang inaresto ni Ungab alinsunod sa batas na nagbabawal sa pagbibiro ukol sa bomba at may karampatang parusa o pagkakakulong nang hanggang limang taon.
Napag-alaman na mahigpit ang ipinatutupad na seguridad lalo na’t dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa idinaos na Barangay Summit on Peace and Order sa Cuneta Astrodome sa lungsod ng Pasay.
Inihahanda na ng awtoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 (Unlawful dissemination or making false threat concerning bombs o anti bomb joke law) laban kay Castillo.
(JAJA GARCIA)