KINONDENA ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang patuloy na pag-uugnay sa kanilang grupo sa rebolusyonaryong komunistang grupo na maaaring pakana upang takutin sila para manahimik.
“The National Union of Journalists of the Philippines denounces continued efforts to link us to the communist revolutionary movement, which we see as part of an orchestrated effort to intimidate us into silence,” ayon sa kalatas ng NUJP kahapon.
Ang pahayag ng NUJP ay kasunod ng ulat ng tatlong pahayagan sa isang “Ka Ernesto” na umano’y tinukoy ang naturang organisasyon bilang may direktang ugnayan kay Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison.
Bagama’t nakatatawa aniya ang mga alegasyon ni ‘Ka Ernesto’ sa NUJP, nalalagay pa rin sa panganib ang kanilang miyembro dahil maaaring may mga maniwala sa kasinungalingan niya.
Anang NUJP, nakalulungkot na may mula sa propesyon ng mga mamamahayag na nagpapagamit sa mga kaaway ng press freedom kahit malagay sa panganib ang kanilang kabaro.
Nagbabala ang NUJP sa mga nasa likod ng nasabing kampanya na tutugisin nila at titiyaking mananagot sakaling may mapahamak na miyembro ng kanilang grupo.
Kinokonsulta na anila ng NUJP ang ilang legal experts sa posibleng hakbang na kanilang gagawin.
“With at least 12 colleagues slain under the watch of a president who has actually justified the murder of journalists — remember ‘Just because you’re a journalist you are not exempted from assassination, if you’re a son of a bitch?’ — and openly and constantly curses and threatens media, we are taking this matter very, very seriously,” pahayag ng NUJP.
(ROSE NOVENARIO)