ISANG barangay secretary ang sunod-sundo na pinaputukan ng baril hanggang malagutan ng hininga ng isa sa lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo sa tabi ng barangay hall sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.
Nalagutan ng hininga sa Pasay City General Hospital dakong 6:02 ng gabi ang biktimang si Jackielyn Antonio y Santos, kalihim ng Barangay 124, Zone 14, sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Patuloy pang inaalam ng Pasay city police ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na sakay ng itim na Honda Wave, walang plaka.
Base sa ulat ni Pasay city police chief S/Supt. Noel Flores, naganap ang pamamaril sa biktima sa tabi ng barangay hall ng Bgy. 124, na matatagpuan sa 16 De Agosto St., Zone 12 dakong 5:10 ng hapon.
Nakatayo si Antonio sa tabi ng barangay hall nang sumulpot ang motorsiko sakay ang dalawang suspek. Agad bumaba ang armadong back-ride sa pinutukan nang sunod-sunod ang biktima.
Agad tumakbo ang gunman pabalik sa naghihintay na motorsiklo patungo sa direksiyon ng Aurora St.
Dinala ang biktima sa naturang pagamutan pero idineklarang dead-on-arrival ni Dr. Darius Cruz.
Masusing imbestigasyon ang isinagawa ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa pamamaril at maaresto ang mga suspek.
(JAJA GARCIA)