TATLONG hinihinalang big-time na drug pusher ang naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang makompiskahan ng P408,000 halaga ng shabu sa pagpapatuloy ng anti-illegal drugs at anti-criminality operations sa lungsod.
Sa ulat ni QCPD Novaliches Police Station (PS4) chief, Supt. Rossel Cejas, ang nadakip ay sina Conrado Gonzales, 52, ng Caloocan City; Bernard Bailey, 41; at Arlene Puno, 43, ng Pasig City.
Sila ay inaresto dakong 12:30 am, kamakalawa sa harap ng Sta. Monica Cockpit Arena, Sarmiento St., Brgy. Sta. Monica, Novaliches.
Nakompiska sa mga suspek ang anim na sachet ng shabu na tinatayang P408,000 ang street value, dalawang ziplock ng pinatuyong dahon ng marijuana, drug paraphernalia, isang kalibre .45, isang magazine na may anim na bala, isang snubbed-nose caliber .38 revolver na may lamang limang bala, isang white Honda Civic (TPT 365), isang cellphone at cash.
Dinakip ang dalawa, matapos bentahan ng droga ang pulis na nagpanggap na buyer. (ALMAR DANGUILAN)