INIHAYAG ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar na magtatalaga sila nang mahigit 7,000 pulis sa darating na 9 Enero para sa pista ng Itim na Nazareno upang magmantina ng seguridad at peace and order sa labas at bisinidad ng Quiapo.
“Sa atin pong preparation, we will be fielding around 7,100 police personnel kasama na po ‘yung augmentation nito. Basically around 2,000 plus will be coming from the Manila Police District and 5,000 from other districts pati na ‘yung regional mobile force battalion,” ayon kay Eleazar.
Tinatayang nasa 2.5 milyong deboto o higit pa ang dadalo sa kapistahan ng Itim na Nazareno at tiniyak ni Eleazar sa publiko na nakahanda ang kanilang puwersa para sa pagmamantina nang mahigpit na seguridad, kaayusan at kapayaan sa nalalapit na kapistahan.
Ilalabas ng NCRPO ang traffic advisories sa publiko upang malaman kung aling mga kalsada ang isasara at magiging alternatibong ruta upang maiwasan ang kalitohan ng mga motorista.
Ayon sa NCRPO Chief, pinag-aaralan na rin nila kung isa-shutdown ang signal ng mobile phones habang nagaganap ang naturang event.
Dagdag ng opisyal, tiyak na ipatutupad nila ang “No Fly Zone at No Sail Zone” at hiniling nila ito sa Department of Transportation (DOTr) upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko partikular ang mga dadalo sa kapistahan ng itim na Nazareno.
Siniguro ni Eleazar, magpapatupad sila nang mas mahigpit na seguridad bago at mismo sa araw ng kapistahan upang iwasan ang karahasan o kagulohan na posibleng samantalahin ng masasamang elemento.