KALABOSO ang isang Español nang magwala at sirain ang salamin ng sasakyan ng isa sa mga tenant at manuntok ng guwardyang umaawat sa kanya sa parking area ng isang condominium sa Makati City.
Kinilala ang arestadong suspek na si Jairo Ruiz Ibanez, 36, ng Purok 5, General Luna, Siargao, Surigao del Norte, nahaharap sa kasong malicious mischief, alarm and scandal, assault at resisting arrest.
Kinilala ang mga nagreklamo na sina Edd Paolo Morales, 30, ng Prime Tower Suits, Bgy. Poblacion sa naturang lungsod; Allaniel Mayangao, 33, guwardiya ng naturang condominium, mga tanod ng naturang barangay na sina Rosalie Mosquisa at Mariloi Sallo.
Sa nakarating na ulat kay Makati City police chief S/Supt. Rogelio Simon, dakong 5:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa parking area sa ikalawang palapag ng Makati Prime Tower Suites.
Bigla umanong nagwala ang nasabing dayuhan at winasak ang helmet ng kanyang motorsiklo.
Inawat siya ni Morales, ngunit imbes tumigil ang suspek ay sinira ang salamin ng bintana ng kanyang sasakyan.
Humingi ng tulong si Morales sa nakatalagang guwardyang si Mayangao upang awatin ang nagwawalang dayuhan.
Pero sinuntok nito ang guwardiya at binato ng hollow block sa bandang likuran. Kaya nagpasyang tumawag ng mga tanod para ipahuli ang nagwawalang suspek.
Ngunit binalingan ng dayuhan ang mga tanod na humuhuli sa kanya, ngunit nadala rin sa himpilan ng pulisya.