DALAWANG miyembro ng sinasabing ‘basag kotse gang’ ang napatay makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa Brgy. Greater Lagro sa lungsod, kahapon ng madaling araw.
Inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay na armado ng kalibre .38 baril.
Sa ulat kay C/Supt. Joselito Esquivel Jr., director ng QCPD, nakatanggap ng reklamo ang QCPD Station 5 tungkol sa insidente ng pagnanakaw.
Nagreklamo sa pulisya ang biktimang si Joe Ismael Pajanustan ng Fairlane St., Brgy Greater Fairview, dahil binasag ang salamin ng kotse ng kanyang anak na nakaparada sa harap ng kanilang bahay.
Tinangay ng mga magnanakaw ang isang tablet na nagkakahalaga ng P25,000 at laptop na may halagang P20,000. Ang shootout ay naganap dakong 12:30 ng madaling araw sa Lilac corner Gabriel streets, sa Brgy. Greater Fairview.
Dakong 12:30 am, nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad at naispatan ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo sa Lilac St.
Pinahihinto ng mga pulis ang mga suspek pero imbes huminto ay pinaharurot nang takbo ang motorsiklo at nagpaputok ng baril kaya nagkaroon ng ‘running gun battle.’
Napagsalikupan ng mga awtoridad ang dalawa pero hindi pa rin sumuko at piniling lumaban na nagresulta ng kanilang kamatayan.
Narekober mula sa dalawang suspek ang dalawang kalibre .38 revolver, mga bala at nabawi rin ang laptop at tablet ni Pajanustan.