INIREKLAMO sa Pasay City Police ang isang Chinese national na nagtangkang nakawin ang P6,000,000 sa pinagtatrabahuang kompanya sa Pasay City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Nagwala sa loob ng Station Investigation Detective and Management Branch ng Pasay Police, ang suspek na si Jiang Jun, 24-anyos, computer encoder ng Altech Innovation Business, kaya tulong-tulong ang mga imbestigador sa pag-awat sa kanya.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device and Regulation Act of 2002 sa Pasay Prosecutor’s Office matapos maghain ng reklamo ang kinatawan ng kompanya na si Kong Shen Han, human resource officer.
Ayon sa ulat ni Pasay City Police chief, S/Supt. Noel Flores, nabuko ang pagnanakaw ng suspek sa loob ng Altech Innovation Business na matatagpuan sa Double Dragon, Macapagal Avenue sa Pasay City, dakong 5:30 ng hapon.
Walang nagawa si Jun nang arestohin siya ng guwardiyang si Nemo Aldaba, ng 24/7 Shield Security Agency.
Bago hulihin, gumamit umano ang suspek na si Jun ng WECHAT App sa kanyang cellphone sa tangkang transaksiyon ng P6 milyon sa isang hindi pa kilalang kliyente ng kompanya nang walang pahintulot ng pamunuan.
Nabuko ng pamunuan ang umano’y ilegal na aktibidad ng suspek kaya agad siyang ipinahuli sa guwardiya at dinala sa Police Community Precinct (PCP) MOA para sa dokumentasyon, bandang 9:30 ng gabi. Ipiniit ang suspek sa detention cell ng Pasay City Police.
(JAJA GARCIA)