NAGPASALAMAT si Senador Grace Poe sa pagiging No. 1 niya sa mga survey nitong Nobyembre at sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iniakda niyang First 1000 Days na magpapalakas sa nutrisyon ng lahat ng bata sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay.
“Doble biyaya po ang pangunguna ko sa mga survey ng Issues and Advocacy Center (The Center) nitong 12-18 Nobyembre 2018 at Radio Mindanao Network (RMN) 2019 Election Survey nitong
7-17 Nobyembre 2018 at sa paglagda ng ating Pangulo sa Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act noong nakaraang 29 Nobyembre,” ani Poe.
“Kaya binabati ko po ang mamamayang Filipino ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!”
Nagpasalamat din si Poe sa nakaalala sa araw ng kamatayan ng kanyang amang aktor na si Fernado Poe Jr. (FPJ) noong nakaraang 14 Disyembre na dinalaw nila ng kanyang inang aktres na si Susan Roces sa Manila North Cemetery.
“Maraming salamat po sa inyong pakikiisa sa pag-alaala ng pagpanaw ni FPJ. Parangalan natin ang kanyang naging buhay sa pagpapatuloy ng pagtulong sa kapwa, lalong-lalo na sa nangangailangan nang walang hinihintay na kapalit,” ani Poe “Ipanalangin po natin si Da King sa araw na ito.”
“Iniaalay ko sa alaala ng aking amang si FPJ ang pet bill kong ito na inaatasan ang pamahalaan na gawing prayoridad ang nutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong mga ina, lahat ng sanggol at mga bata,” dagdag ni Poe.
Naniniwala ang mga eksperto sa politika na kung ngayon gagawin ang halalan para sa Senado ay magaang na mangunguna o magiging topnotcher si Poe.