HINDI mapasusubaliang maraming alam si Ilocos Governor Imee Marcos pagdating sa showbiz. Pagkabata na kasi’y namulatan na niya ang showbiz, ‘ika nga.
Nariyang sumali siya sa Kulit Bulilit at Kaluskos Musmo para mas madali ang pakikipag-usap niya sa mga kabataan noon bilang siya ang chairman ng Kabataang Barangay (ngayo’y Sangguniang Kabataan).
Aniya, ”I was able to get closer to the young people, and I became more interested to showbiz that time too.”
Muli, napag-usapan namin kung gaano karaming pelikula ang naipo-prodyus noon na umabot pa sa pagkilala sa Pilipinas bilang second largest filmmaker in the world next to India na nakakapag-prodyus ng 140 pelikula sa isang taon.
Sa panahon din nila nang buuin ang Optical Media Board (OMB) at ang Movie Televison Review and Classification Board (MTRCB) kaya kailangang baguhin na ang ilang batas na sila pa ang gumawa. Kaya nga nais niyang tulungan ang industriya sa oras na maupo siya bilang senador.
Aniya kailangang ayusin ang distribution ng pelikula—mula sa indie hanggang mainstream hanggang regional. At para magawa ito’y kailangan ng tuloy-tuloy na summit ng producer at ibang stakeholder para ma-address ang issue. ”It is important to address the distribution problem in the industry because we have already leveled up in production,” sambit pa ng gobernadora nang makausap namin ito sa isang intimate tsikahan.
May nakapagkuwento sa amin na minsang naging producer din si Imee kaya naman tunay na maraming alam ang gobernadora sa showbiz. Naging co-producer siya ng The Boatman, Brutal, at Scorpio Nights.
Sinubukan din ni Gov. Imee ang umarte sa pelikula at nakasama niya roon si Leo Martinez.
Nang tanungin ang gobernadora kung paano niya ire-rate ang pagiging aktres, sinabi nitong, ”B plus to A minus.” Na ang ibig sabihin, she’s good and not bad. At iginiit niyang hindi siya marunong kumanta at sumayaw. Kaya hanga siya sa ibang mga katunggaling politiko na kapag umakyat na ng stage ay nakakasayaw o nakakakanta.
Tila hindi niya nakuha ang galing sa pagkanta ng kanyang ina, ang Unang Ginang Imelda Romualdez-Marcos. Pero kaya niyang gumawa ng script, magbigay ng idea sa posibleng isang magandang pelikula etc.. Kaya huwag na lang daw siyang paartehin at ibigay na sa talagang marunong umarte.
Isa pa sa advantage ni Ms. Imee, alam niya lahat ng palabas sa telebisyon. Alam niya ang mga kinagigiliwang palabas ng masa.
Hanga nga kami nang ikuwento niya ang nangyayari sa Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin. At take note, talagang tinututukan niya ito pero aminadong kapag hindi na gusto ang ilang eksena’y lumilipat na siya.
Anang gobernadora, hanga siya sa tatag at lakas ng Ang Probinsyano.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio