NAGPASYA ang Kamara na imbestigahan ang maanolamyang budget at kuwestiyonableng alokasyon ng Department of Budget and Management (DBM) sa Naga City sa 3 Enero 2019.
Ayon kay Majority Leader Rolando Andaya, ang kanyang komite, ang committee on rules, ang magpapatawag sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga opisyal ng local government units sa Bicol.
Kasama sa mga padadalhan ng subpoena ang regional director ng DPWH, dalawang district engineers ng Sorsogon City at ang district engineer ng Catanduanes.
Aniya, isasama rin sa subpoena ang mga pinuno ng kasalukuyang DPWH bids and awards committee, ang mga nakaraan at nagretirong mga hepe ng nasabing mga ahensiya na humawak sa mga proyekto ng C.T. Leoncio.
Ayon kay Andaya ang C.T. Leoncio ay nakasungkit nang higit P30-bilyones na proyektong pang- impraestruktura sa DPWH.
Sa mga susunod na pagdinig ng komite ipatatawag rin si Budget Secretary Benjamin Diokno para magpaliwanag sa pambansang budget ngayong 2018 at ang budget sa darating na 2019.
“I am particularly interested in knowing the total amount of payables that the DBM owe to contractors and suppliers this year,” ani Andaya.
“Ang utang ng DBM sa mga contractors at suppliers, aabot nang P100 bilyon para sa transaksiyon ng buong gobyerno. Hindi mababayaran ito ngayong taon. This was not disputed by Secretary Diokno during Question Hour,” ani Andaya.
Ang Question Hour ay naganap sa Kamara noong Martes.
Sinabi ni DPWH undersecretary for planning, Ma. Catalina Cabral, ang babayaran ng DPWH ay aabot na sa P44 billion.
“Hindi pa ito nababayaran hanggang ngayon,” giit ni Andaya.
Ang malaking tanong, ani Andaya ay kung bakit nagsingit si Diokno ng karagdagang P75-bilyones sa mga proyekto ng DPWH kung hindi pa nga nakababayad sa mga contractor at suppliers ng DPWH.
“Mag-i-insert ka ng P75 billion, ‘di naman pala mababayaran ang mga utang?”
“Hindi lang mukhang balasubas dito ang gobyerno. This will definitely cause an economic slowdown. Kung hindi mababayaran ng DBM ang P100 bilyon na utang nila. This is mismanagement. Malinaw na may kapabayaan dito si Secretary Diokno,” paliwanag ng kong-resista.
“Malinaw na dapat sagutin ito ni Secretary Diokno. Unless he clears himself from this mess, there will be perpetual doubt that the people’s taxes are not safe under his stewardship,” aniya.
ni Gerry Baldo