PUMALAG sina Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento at Sorsogon (2nd district) Rep. Deogracias Ramos kay House Majority Leader Rolando Andaya na nagsabing sobra-sobra ang budget ng kanilang mga distrito.
Ayon kay Sarmiento at Ramos, walang anomalya sa budget nila dahil ito ay nakalaan sa mga proyektong kailangan ng kanilang mga bayan.
Anila, nagkaroon ng masamang implikasyon sa kanila ang umano’y budget na lihis sa mga pangangailangan ng mga distrito nila.
Ani Sarmiento, wala namang mali roon sa budget ng probinsiya niya dahil mula nang naging kinatawan siya ng Catanduanes noong 2010 ang budget ng probinsiya niya ay naglalaro sa P1.5-bilyon o P1.6-bilyon. Aniya, binanggit ni Andaya sa kanyang privilege speech ang 2018 budget.
”The P1.6-billion budget, as mentioned by the majority leader, is a regular budget allocation, wala namang dagdag yan. That is in the National Expenditure Program,” ayon kay Sarmiento.
Pinabulaanan rin ni Sarmiento ang sinabi ni Andaya na hindi nila kailangan ang pondo para sa flood control.
“Kailangan namin ‘yan, binabaha kami every now and then,” ani Sar-miento.
Hinimok niya si Andaya na tingnan ang ibang mga distrito kung saan may malalaking budget.
“May iba riyan, P5 billion…P6-billion ang mga allocation,” dagdag niya.
Sa panig ni Ramos, maling sabihin na hindi binabaha ang Sorsogon dahil ang katotohan ay madalas rin magkaroon ng baha sa mga bayan ng Bulan at Irosin.
“Ang Bulan at Irosin, madalas binabaha,” ayon kay Ramos.
Nabanggit ni Andaya ang mga distrito nina Ramos at Sarmiento sa kanyang privilege speech. Binatikos niya ang umano’y maling paglalagay ng budget sa mga distrito ng mga kongresista.
Ayon kay Ramos napasama sila sa speech ni Andaya.
“We have no part in the preparation of the NEP,” ani Ramos habang himihirit na nangangailangan talaga ng mas maraming pondo ng Sorsogon upang makaahon sa kahirapan.
Kasama ang Sorsogon sa sampung pinakamahirap na probinsiya sa bansa.
Kaugnay nito naglabas ng resolution ang Kamara na tanggalin si Budget Secretary Benjamin Diokno sa puwesto.
Sa resolusyon, naging liability si Diokno sa kampanya laban sa korupsiyon mula nang umano’y trinaidor niya ang presidente sa pagsisingit ng mga pondo sa panukalang budget lingid sa kaalaman ng presidente.
“My only appeal to the President is for him to talk to the secretary of budget and management. He might push you off a cliff,” ani Andaya sa media briefing kahapon.
Ayon kay Andaya, si Diokno “is the man responsible for budget insertions and questionable allocations in the budget preparation and execution.”
Si Minority leader Danilo Suarez naman nag-file ng House ResolutioNo. 2365, “urging the Office of the President to reconsider the appointment of honorable Benjamin Diokno as secretary of budget and management based on the finding during the question hour (last Tuesday).”
Ani Andaya, desisyon ni Diokno kung magbitiw siya.
(Gerry Baldo)