ISINIWALAT ni Majority Leader Rolando Andaya ang isang malaking anomalya sa budget na bilyones ang napupunta sa mga proyektong hindi naman kailangan ng distrito.
Partikular na binanggit ni Andaya ang 2nd district ng Sorsogon at ang nag-iisang distrito ng Catanduanes na nakakuha ng sobrang P2 bilyon na flood control project.
Ayon kay Andaya, ganito ang nangyayari kapag minamadali ang proseso ng pagpasa sa budget.
Sinabi rin ni Andaya na ang mga proyektong nabanggit ay napunta sa isang kompanya na isa lamang ang may-ari.
Halos 30 proyekto sa Bicolandia ang napunta sa CT Leoncio Construction and Trading.
Ang talumpati ni Andaya ay bunsod sa kumalat na balita na ang malalaking proyekto ng gobyerno ay napunta umano sa mga malapit kay Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
“Madam Speaker, nothing can be further from the truth. Let us all remember that when the NEP, or the budget, was submitted to us, it was done under the previous leadership of the House. So logic dictates that the large allocations per district would be from the allies of the previous leadership and not from the present leadership,” ani Andaya.
Pinabulaanan rin ni Andaya ang sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na babagsak ang ekonomiya kapag hindi naipasa ang budget sa tamang oras.
“Let me remind everyone, that anyone who believes that a reenacted budget will result into economic slowdown, specifically in the first and second quarter as routinely announced by our Secretary of Budget in which he said ‘a delayed budget as predicted by the Senate will result in the economic slowdown in the first and second quarter’,” pahayag ni Andaya.
Aniya hindi totoo ang sinabi ni Diokno.
“In the year 2007, the budget was passed on March 22. And on that year, we experienced large economic growth. First quarter, we had 6.9% growth and the second quarter, a mind-boggling 8.3% growth for the second quarter,” dagdag niya.
“So kahit na mas maliit ‘yung budget, kahit na-delay ‘yung budget, depende naman ‘yan doon sa namumuno sa DBB.”
Giit ni Andaya, hindi dapat madaliin ang pagpasa ng budget dahil may mga nakalulusot na anomalya.
“Sa 2nd district ng Sorsogon may bumabang halos dalawang bilyong (P2 bilyon) na flood control na hindi naman po hinihingi o walang kamuwang-muwang ‘yung kinatawan.
“Sa Catanduanes, sa kasalukuyang taon na ito, ang flood control niya additional half-a-billion (P500 milyon) ang ibinigay sa distrito ni Rep. (Cesar) Sarmiento na wala rin siyang kamuwang-muwang pero ipinasa natin dahil ang sabi iyan daw ‘yung proposal ng Ehekutibo huwag daw natin gagalawin. Bawal daw iyon,” paliwanag niya.
“Labing — trentang project isang contractor lang. ‘Yan ang nangyayari ‘pag minamadali ang budget. Hindi nakikita na hindi pa pala ipinapasa ‘yung budget e kinarne na. And to think, tayo ‘yung inaakusahan ng pork barrel. ‘Yan po, hindi pa pasado ‘yung budget, may may-ari na at pagdating ng 1 Enero, ‘pag naging batas na ang budget ‘yang contractor na ‘yan, sa kanya na ‘yan lahat ‘yang project na ‘yan. Isa-subcontract na lang niya ‘yang project na ‘yan sa ibang contractor.”
Aniya wala man lamang rating ‘yung wining bidder sa mga proyekto.
“Hindi man lang single A, triple A na kompanya. Isang single proprietorship, para pong sari-sari store, pero ang tinatrabaho bilyon. Paano po nangyari ‘yun? ‘Di naman puwedeng district engineer lang ang gagawa niyan. Kailangan mayrong mas mataas na kumukumpas para mangyari ‘yan.”
ni Gerry Baldo