KAHABAG-HABAG at kalunos-lunos ang pagbatikos ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison sa patakaran ni Pangulong Rodrigo Duterte sa West Philippine Sea (WPS) gamit ang dalawang taon nang artikulo ng isang taong nagtatrabaho sa mga proyekto ng US military.
Ito ang pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng kalatas ni Sison kamakalawa hinggil sa artikulo ni Anders Cor na aabot sa $177-B ang utang ng China sa Filipinas sa upa at pinsala sa South China Sea.
Giit ni Panelo, ang pagbibigay ng reaksiyon ni Sison sa nasabing artikulo na inilathala noong 15 Hulyo 2016 ay patunay na wala nang alam sa realidad sa Filipinas ang communist leader na mahigit tatlong taong dekada nang masarap ang buhay sa Europa.
Hinimok ni Panelo si Sison na itigil ang kanyang “long distance propaganda war” at umuwi sa bansa at saksihan ang independent foreign policy course na inilatag ni Pangulong Duterte na may kasamang maingat, diplomatiko at pragmatikong paninindigan sa pagharap sa paborableng arbitral ruling.
Santambak aniya ang mga impormasyon na nasa kamay ng Pangulo na hindi maaaring basta ipabatid sa publiko kaya’t nasa posisyon siya upang magpasya sa mga internasyonal na usapin, kabilang ang pag-iwas sa Filipinas sa potensiyal na pakikidigma sa China at pagpapanatili ng mekanismo ng konstruktibong dialogo na nagbigay-daan sa 29 kasunduan na napakikinabangan ng bansa at ng sambayanang Filipino.
Sa mga huling taon sa mundo ni Sison, ani Panelo, dapat ay tanggapin ang katotohanan na ang pangarap niyang agawin ang kapangyarihan sa mga pinuno na iniluklok ng publiko ay nagwakas na.
“Truly, the revolution that he has commenced half a century ago has devoured its own children,” ani Panelo.
(ROSE NOVENARIO)