CAMP OLIVAS, Pampanga – Agad namatay ang dalawang pulis, isang barangay tanod at isa pang lalaki sa insidente ng barilan sa quarry site sa Brgy. Sta. Lucia, Capas, Tarlac, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat sa tanggapan ni C/Supt. Joel Napoleon Coronel, Acting Police Regional Office 3 director, kinilala ang mga biktimang sina SPO2 Jason Garcia, 45; PO3 Vincent Baluyot Lugtu, 40; kapatid niyang si Clint Donald Baluyot Lugtu, 33, at si Renato Mercado.
Nabatid kay Coronel, papunta si SPO2 Garcia sa quarry site sa Sitio Suarez sakay ng dump truck nang parahin ni Donald, barangay tanod na nakatalaga roon.
Sa puntong iyon, bumaba umano si Garcia mula sa truck at kinompronta ang tanod habang naroroon ang kapatid ng huli na si Lugtu, nakatalaga sa Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 3.
Habang nagtatalo ay binaril umano ni Lugtu si Garcia na miyembro ng Mabalacat Police. Nang magpaputok si Garcia ay tinamaan ang istambay na si Mercado.
Samantala, ayon sa ilang saksi, nang makita umano ng isang Bernie Pabalan Hernandez na nakabulagta ang kanyang kaibigang si Gracia ay bumunot ng calibre .45 baril saka pinagbabaril ang magkapatid na Lugtu saka mabilis na tumakas.
Ngunit agad nasakote si Hernandez sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis sa bahay ng isang engineer na si Marvin Mariano sa Brgy. Balutu, Conception Tarlac.
ni LEONY AREVALO