KASABAY ng ika-155 na anibersaryo ng kapanganakan ni noong Nobyembre 30, 2018, ginanap ang Ikatlong Pambansang Paligsahan sa Ispeling na pinamagatang “Iispel Mo!” sa UP Bahay ng Alumni, Unibersidad ng Pilipinas, Lungsod Quezon na nilahukan ng 17 mag-aaral mula sa mga rehiyon ng bansa.
Magkatuwang na iniorganisa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino (KASUGUFIL) ang “Iispel Mo!” mula Hunyo hanggang Nobyembre 2018 na bukas sa mga mag-aaral sa ikaanim na baitang sa bawat sangay ng 17 rehiyon sa buong Filipinas.
Pangunahing layunin ng patimpalak sa ispeling na patuloy na maitaguyod ang palighasang lilinang sa kakayahan ng mga mag-aaral patungo sa pagpapataas ng antas ng kalidad ng wikang Filipino; malinang ang kakayahan ng mga mag-aaral sa wastong ispeling ng mga salita na sumusunod sa bagong ortograpiyang pambansa; at maipalaganap ang mga napapanahong kaalaman sa wikang Filipino.
Sa pormal na pagsisimula ng patimpalak, tinuran ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitik at Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining na si Virgilio S. Almario ang dalawang mahahahalagang impormasyon ukol sa timpalak.
Ayon kay Almario, itinaong idaos ang “Iispel Mo!” sa paggunita ng kaarawan ni Gat Andres Bonifacio sapagkat isa siya sa mga unang nagtanghal sa paggamit ng ating sariling wika sa kaniyang panulat.
Kung si Jose Rizal ay nagsabing dapat mahalin ang sariling wika, si Andres Bonifacio ang nagpakita na ito ay napakaepektibo upang bigkisin at pakilusin ang sambayanang Filipino tungo sa rebolusyon.
Hindi lamang ang mga Tagalog ang tinukoy na Bonifacio sa salitang Katagalugan. Kasama rin dito ang mga Bisaya, mga Ilokano, at ang lahat ng Filipino mula sa iba’t ibang rehiyon at mga probinsiya.
Idinagdag ni Almario na ang “Iispel Mo!” ay hindi lang basta ordinaryong timpalak. Ito ay isang timpalak na may kabuluhan.
Aniya, “ito ay isang bahagi lamang ng malaking kampanya ng KWF upang maging estandarisado ang wikang Filipino. Ito ay lingua franca sapagkat malinaw na sinasalita sa buong Filipinas. Sa kasamaang palad, nahuhuli ang larangan ng panulatan ng wikang Filipino. Sinasalita man ito, hindi naman pinagbubuti ang pagsulat.”
Naglalayon ang KWF, sa pamamagitan ng “Iispel Mo!” na maitatag ang isipang kailangang sa elementarya pa lang ay maging mahusay na sa pagsulat at paggamit ng Filipino ang mga kabataan.
Umaasa at naniniwala si Almario na ang “Iispel Mo!” ay magbubukas ng ating kaisipan na dapat hindi lamang marunong at magaling magsalita ngunit dapat maging napakahusay din pati sa pagsulat.
Pinuri niya ang KASAGUFIL dahil sa unang pagkakataong lahat ng rehiyon ay kalahok sa timpalak.
Pahiwatig uman ito na nagtatagumpay ang KASAGUFIL na maging isang tunay na pambansang samahan ng mga guro at superbisor sa Filipino.
Panauhing pandangal sa “Iispel Mo!” si Dr. Isabel Victorino, pinuno ng Curriculum Standard Division ng Kagawaran ng Edukasyon.
Winika ni Dr. Victorino na ang timpalak ay matibay na patotoo sa pagpupunyagi na itaas ang kahusayan at palaganapin ang gamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang larang ng karunungan.
Aniya, isa itong mahalagang hakbang upang patuloy na itaguyod ang pag-unlad ng paggamit ng wikang Filipino bilang Wikang Pambansa tungo sa pagkakaunawaan at pagkakaisa para sa kaunlaran ng sambayanan.
Dagdag niya, hindi man birong daan ang babaybayin kung pag-uusapan ang ganap na kalinangan ng wika sa bansa, hindi naman matatawaran ang binagtas at natahak na nating landas papunta rito.
Hamon sa lahat na ipagpatuloy ang magandang kampanyang nasimulan ng Komisyon.
Winika din ni Dr. Victorino na ang mga kalahok sa timpalak ay larawan ng magigiting na kawal para sa isang malakas na hukbo ng ating wika ngayon at sa hinaharap.
Kinatawan ng NCR
wagi sa “Iispel Mo!”
WAGI sa puntos na 65 si Angel Mayhe Gueco ng Camarin D Elementary School (Caloocan) sa 17 kalahok mula sa lahat ng rehiyon sa Filipinas.
Nakatanggap siya ng P35,000.00, tropeo, medalya at plake bilang gantimpala para sa rehiyon. Sinanay siya ng gurong si Bb. Analyn Mayo.
Hindi man nakuhang muli ng Mimaropa (Rehiyon IV-B) ang unang puwesto, nakamit naman ni Charlize Jade Janda ang ikalawang gantimpala nang makakuha ng 58 puntos. Nag-uwi siya ng P25,000.00, tropeo, medalya at plake para sa rehiyon.
Nasa ikatlong puwesto ang kalahok mula sa Zamboanga Peninsula (Rehiyon IX) na si Kriztin Riza Taburada nang makapuntos nang 55. Nakamit niya ang P15,000.00, tropeo, medalya at plake para sa rehiyon.
Tumuntong sa ikaapat na puwesto si Winstle Keigh Corpuz ng Cagayan Valley (Rehiyon II) na nakakuha ng 51 puntos. Nakatanggap siya ng P10,000.00, tropeo, medalya at plake para sa rehiyon.
Ang ikalimang gantimpala ay nasungkit ni Shiena Julia Cala mula sa Eastern Visayas (Rehiyon VIII) sa puntos na 50. Nag-uwi siya ng P5,000.00, tropeo, medalya at plake para sa rehiyon.
ni Karla Lorena G. Orozco