CAMP OLIVAS, Pampanga – Patay ang isang negosyante habang sugatan ang kaniyang bodyguard makaraan pagbabarilin ng isang armadong lalaking lulan ng motorsiklo sa tinutuluyang hotel sa Subic Freeport Zone, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang napatay na si Dominic Sytin, 51, nakatira sa 45 Swallow Drive, Green Meadows, Quezon City, prominenteng negosyante. Habang sugatan ang kaniyang bodyguard na si Efren Espartero, 45, ng nabanggit ding lugar.
Mabilis na nakatakas ang ‘di kilalang gunman patungong SBMA Kalaklan Gate, sakay ng motorsiklong itim na Mio.
Ayon sa ipinadalang report ng Olongapo PNP, nangyari ang insidente sa Lighthouse Hotel sa Waterfront Road ng nasabing lugar bandang 7:30 ng gabi.
Papasok ang biktima nang biglang binaril ng suspek sa bandang likod at kaliwang bahagi ng ulo na nagresulta sa agaran niyang pagkamatay.
Habang tinamaan ng bala sa kamay at katawan ang kanyang bodyguard na binaril din ng suspek.
(RAUL SUSCANO)
AMBUSH KAY SYTIN
KINONDENA NG SENATORS
KINONDENA nang ilang senador ang pamamaril sa labas ng hotel sa Subic bay freeport sa businessman na si Dominic Sytin, ang presidente at founder ng United Auctioneers, ng dalawang riding-in-tandem.
Sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, kilala ng mga senador si Sytin at kasama ang negos-yante sa kanilang viber group, kabilang ang ilang cabinet secretaries.
Sa kanilang viber group ay nagpahayag ng pagkondena at pagkalungkot sina Senadora Grace Poe at Senador Ralph Recto, na maghahain ng resolusyon sa Lunes para kalampagin ang Philippine National Police (PNP) na habulin at hulihin ang mga suspek sa pagpatay kay Sytin.
Ayon kay Zubiri, maging si Executive Secretary Salvador Medialdea ay agad nakipag-coordinate kay PNP chief, Director General Oscar Albayalde at sa pamunuan ng Subic, nang mabalitaan ang insidente.
Agad nagsagawa nang mahigpit na seguridad at ini-lock down ang lahat na lagusan sa Subic.
(CYNTHIA MARTIN)