ISANG mambabatas ang sugatan habang nabalian ng braso ang isang piloto at maraming iba pa ang nagalusan makaraan mag-crash landing sa bangin ang sinasakyang helicopter sa bayang ito, nitong Huwebes.
Nagalusan si COOP-NATCCO party-list Rep. Anthony Bravo, ayon sa paunang ulat mula sa kaniyang chief of staff na si Rene Buendia.
Nasugatan sa ulo at nabalian ng braso ang piloto ng helicopter, ayon kay Buendia.
Ang nag-crash ay isang Sokol helicopter ng Philippine Air Force (PAF), ayon sa Philippine National Police Region 3.
Mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga sugatan, ayon kay Major Aristides Galang Jr., tagapagsalita ng PAF.
Napag-alaman, umalis ang nasabing helicopter, dakong 1:35 ng hapon sakay ang apat crew at walong pasahero.
Ang mga pasahero ay kalahok sa isang “legislative stakeholder engagement activity” sa lugar, ayon sa militar.
Sinabi ni Cesar Pareja, dating secretary-general ng House of Representatives, isa sa mga pasahero, nasa maayos na siyang kalagayan. Siya, si Bravo at iba pang mga kasama ay nagkaroon ng mga galos.
“Thanks for your prayers. The pilot suffered head injuries and the crew has a broken arm. I have minor scratches along with most of the passengers. The helicopter crashed just as we were about to land in Crow Valley,” ani Pareja.
Kasama nina Bravo at Pareja sina Baltazar Reyes, isang Col. Arthur Baybayan, Daisy de Lima, Romeo V. Almonte, 1st Lt. Melvin Betia, at Edilberto Mandap.
Ayon sa staff ni Sen. Ralph Recto na nasa isang helicopter, “safe” ang lahat ng sakay ng nag-crash na chopper.
Ang mga mambabatas ay inimbitahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang Training and Doctrine Command (TRADOC) sa Camp Ernesto Ravina Air Base sa nasabing lugar.
Si Recto, isang reservist, ang nakakuha ng larawan sa nasabing crash.
Hindi pa batid ang sanhi ng “air mishap” ayon kay Galang, ngunit sinimulan na ng militar ang imbestigasyon sa insidente.
Bagama’t hindi ipinagbawal ng Air Force ang paglipad ng iba pang Sokol helicopter, pansamantala munang inaabiso ang pagpapaliban ng biyahe ng mga kagayang helicopter habang iniimbestigahan ang insidente.
ni Gerry Baldo