NAIINTINDIHAN namin kung bakit ganoon na lang ang reaksiyon ni Senadora Grace Poe sa mga kontrobersiyal na usapan ngayon tungkol sa seryeng Ang Probinsyano. Hindi lamang iyon batay sa isang pelikula ni FPJ, kundi sa paggamit ng titulo niyon, kumikita rin naman ang kanilang pamilya ng royalties sa serye, bukod pa nga sa kasama rin sa cast si Susan Roces.
Pero mukhang mali iyong depensa niya na iyon ay mga fictional characters lamang at hindi naman dapat isiping makasisira sa PNP. Halimbawa, may gumawa ng isang fiction story tungkol sa senado, gumawa ng mga fictional characters na nagnanakaw sa pamamagitan ng pork barrel, tumatanggap ng lagay para sa impeachment ng ibang opisyal ng gobyerno, tumatanggap ng lagay para paboran ang mga batas na makapagbibigay ng pabor sa mga malalaking kompanya. Itatago ang mga resulta ng imbestigasyon dahil nakatanggap ng lagay, o kaya’y political advantage, hindi kaya papalag din ang mga senador kahit na sabihing fiction lang naman iyon?
Makikita mo ang drumbeating. Tinitira nila ang PNP at inaakusahan iyon ng pakikialam sa serye. Eh pumapalag lang naman sila dahil sinasabi ngang nakasisira na iyon sa imahe ng ahensiya.
Nagtataka lang naman kami, bakit hindi sila sumunod sa sinasabi ni Coco Martin. Si Coco ang bida sa serye. Kung titingnan ninyo ang credits, siya ay mismong creative consultant ng seryeng iyon. Hindi rin maikakaila na may mga bahagi ng serye na siya mismo ang nagdidirehe. Pero ano ang sinasabi ni Coco? Hindi ba humihingi siya ng dispensa kung may nasiraan man ang serye at nagsabi siyang nakahanda naman silang baguhin iyon?
Bakit may ibang taong pinalalaki pa ang problema? Bakit ginagawa pang issue ganoong wala naman dapat. Mas masisira pa ang Ang Probinsyano dahil sa ginagawa nila. Pabayaan nila ang mismong production team ang humarap doon. Pabayaan na lang nila kung ano ang sinasabi mismo ni Coco at sigurado kami, mas maganda ang magiging resulta.
ni Ed de Leon