CAMP OLIVAS, Pampanga – Arestado ang suspek sa viral road rage na gumagamit ng plakang 8, makaraan manapak ng isang lalaki sa Angeles City, kamakalawa ng madaling-araw.
Ayon kay PRO3 director, C/Supt. Amador Corpus, nadakip ang suspek na si Jojo Valerio y Serafico, 30, businessman/singer, residente sa Morris St., North Delton Communities, Quezon City, sa ikinasang hot pursuit operation nang pinagsanib na puwersa ng Central Luzon PNP, sa Tarlac City, makaraan ang kanyang gig.
Habang kinilala ang biktimang umano’y sinapak ng suspek, na si Jesusito Palma, 26, nakatira sa Friendship Highway, Anonas, Angeles City.
Batay sa report ng pulisya, dakong 1:30 am nang magkainitan sina Valerio, sakay ng kanyang FJ cruiser na may congressman protocol plate 8, at si Palma, na lulan ng kanyang minamanehong kotseng Toyota.
Ito ay makaraan umanong mag-overtake si Palma sa suspek sa harap ng Dainty restaurant sa McArthur Highway sa Balibago.
Bunsod nito, sinapak umano ng suspek ang biktima at pagkaraan ay tumakas.
Si Valerio ang sinasabing suspek sa nangyaring road rage sa Congressional Avenue sa Quezon City habang minamaneho ang FJ Cruiser na may plakang 8, na nag-viral sa social media.
Ayon sa mga imbestigador, hindi siya kamag-anak ni Pampanga Rep. Carmelo Lazatin II.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya kung paano nagkaroon ng No.8 license plate ang suspek.
Siya ay nahaharap sa kasong grave threat, serious physical injury, abuse and usurpation of authority at paglabag sa traffic rules.
ni RAUL SUSCANO