KOMPIYANSA si Ilocos Sur ex-Gov. Chavit Singson na mananalo ang kanyang consortium na LCS Group-TierOne Communications sa bidding para sa 3rd telecommunications player sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Chavit, “Kung P100 ang presyo nila (Globe o Smart), kami P5 lang, dapat na libre ang Wi-Fi.”
Ayon sa pangulo ng LCS Group, kaya nilang pababain nang husto ang presyo ng industriya bukod pa sa mas malawak na coverage na hatid ng kanilang ‘broadband satellites. Ang pagkuha nila ng mga satellites ay bunga ng kanilang pakikipagkasunduan sa aerospace company na Boeing.
Ipinagmalaki rin ni Singson ang layon nilang pagbubuo ng ‘telco-in-a-box’ sa higit 50,000 komunidad. Ilalagay ang solar-powered na pasilidad sa isang container van para magbigay ng internet sa loob ng 500-meter radius. Aabot sa P150-billion ang kakailanganing pondo para makasali sa bidding, base na rin sa Terms of Reference nito.
Sabi nga ni Singson, mistulang ‘charity’ ang alok nilang serbisyo para sa mamamayang Filipino. Para naman kay Simon Fjell, vice president ng TierOne Communications, hindi nila layong kumita sa telecommunications services at Wi-fi kundi sa iba pang serbisyo tulad ng mobile banking at blockchain applications.
Kung magwawagi sa bidding si Manong Chavit, diyan pa lang natin mapapatunayan kung kaya nga niyang tuparin ang mga sinabi niya.
Kung sabagay, ‘yung SMART at GLOBE nga na matagal nang nagkakamal sa kanilang subscribers, walang ipinapangako, bakit hindi nga subukan ang 3rd TELCO?!
Ayon sa kampo nina Manong Chavit, hindi ito, kable-kable o optic fiber cable, satellite ang gagamitin nila kaya kayang-kaya nilang ibagsak ang presyo.
O sambayanang subscribers mukhang may bago tayong aabangan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap