MUKHANG matutulad kay Comedy King Dolphy ang kapalaran ng nominasyon sa Order of National Artists ng people’s Superstar na si Nora Aunor.
For the second time, naligwak na naman ang nominasyon ng isang Nora Aunor na paulit-ulit na kinilala ang husay at galing sa pag-arte sa ibang bansa.
Ayon kay National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Chairman and National Artist Virgilio Alamario, hindi nila alam kung bakit hindi naaprobahan si Ate Guy. Sa kanila umanong isinumite, tanging si Nora Aunor lamang ang hindi aprobado.
Sa isang akademista, kauna-unawa kung muling maligwak si Ate Guy, kasi nga, wala naman siyang titulo o diploma.
Ganyan talaga ang kanilang pananaw, nakatali sa mga burukratikong alituntunin.
Pero sa hanay ng mga tunay na alagad ng sining, hindi puwedeng balewalain o tawaran ang husay at galing sa sining ng pag-arte at pag-awit na naiambag ni Nora Aunor sa larang na kanyang kinabibilangan.
Kung tutuusin, si Nora Aunor ay may winasak na tradisyon sa kalakaran ng pagpili ng mga pangunahing artista sa pelikula at telebisyon na tanging mga mestiza lamang ang puwedeng maging bida.
Binalewala ng sambayanan ang kanyang height at ang kanyang looks, dahil nilamon ito ng husay niyang umarte.
At huwag rin kalimutan na bago siya umakting ay nanalo siya sa Tawag ng Tanghalan dahil sa kanyang ginintuang boses na kakaiba ang taginting at timbre.
Aminin man sa hindi, tanging sina Vina Morales at Jonah Viray lamang ang may kagayang timbre ni Nora Aunor pero hindi nila nalampasan ang galing sa pag-awit. ‘Yun bang tipong kapag pumailanlang sa ere ang kanyang kanta, alam agad ng tao na boses iyon ni Nora Aunor.
Ilang pelikula na pinagbibidahan ni Nora Aunor ang nagbigay ng karangalan sa ating Filipino sa iba’t ibang bansa? Ilang pelikula niya ang naging instrumento para mailantad sa buong mundo ang kaapihang dinaranas ng mga Filipino sa dayuhan dahil naipalabas ito sa iba’t ibang film festival sa ibang bansa.
Marami nang naisulat tungkol sa kaapihan, pagkaalipin at pagsasamantala sa mga Filipino pero naging kapani-paniwala ito nang maging tampok na artista si Nora gaya ng Minsa’y May Isang Gamugamo na tahasang naglantad ng pang-aabuso ng mga sundalong Amerikano sa Filipino.
Dumating nga ang panahon na hindi lamang si Jose Rizal ang naging batayan ng husay at galing ng mga Filipino sa ibang bansa kundi maging si Nora Aunor. Ang kanyang kulay na kayumanggi ay tinanggap ng buong mundo na kulay ng mahuhusay na tao. Aminin natin na si Nora ay tinanggap na simbolo sa pag-arte ng mga Filipino sa buong mundo.
Ngayon, kailangan bang mag-eternal peace muna si Nora Aunor bago ihanay sa Order of National Artists?!
‘Yun ba ang unang-unang batayan bago ihanay sa mga pambansang alagad ng sining?
Huwag naman sana…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap