KUNG makatatsamba sa pagkakataong ito si Attorney Ferdinand Topacio, aba malamang hindi na nga puwedeng tumakbo si Senator Koko Pimentel sa 2019 midterm elections.
Naghain si Atty. Topac ng disqualification case laban kay Koko dahil napagsilbihan na umano ng huli ang kanyang ‘second and maximum allowed consecutive term.’
Matatandaan na noong 2007 elections, napatanggal ni Pimentel si Juan Miguel Zubiri para sa 12th and last Senate spot.
Sa protesta ni Pimentel, sinabi niyang ang panalo ni Zubiri ay dahil sa ‘wholesale cheating’ ng kanyang partidong United Nationalist Alliance.
Noong 2011, nagdesisyon ang Senate Electoral Tribunal (SET) pabor sa protesta ni Pimentel, kaya pinayagan siyang tapusin ang natitirang dalawang taon sa termino ni Zubiri.
Ayon kay Topacio ang buong term ni Zubiri ay para kay Pimentel dahil iyong ang idineklara ng SET, siya ang ika-12 Senador nang eleksiyon na iyon.
Ayon kay Topacio sa isang interview, “Noong sinabi ng electoral tribunal na annulled ang proclamation ni Zubiri, ibig sabihin retroactive ‘yun. Ang talagang nahalal for that term is si Sen. Pimentel at hindi si Sen. Zubiri.”
E paano pala ‘yan?!
Hindi ba’t si Koko, ang tumatayo ngayong presidente ng PDP Laban?
Paano na ang laban ng PDP Laban kung ang presidente nila ay diskalipikadong tumako sa 2019 midterm elections?!
Ang sabi naman ni Senator Koko, puwede pa raw siyang tumakbo sa eleksiyon sa May 2019 dahil hindi niya natapos ang first term niya bilang senador.
“We are very sure with our legal theory,” ‘yan ang sabi ni Pimentel nang maghain siya ng certificate of candidacy (COC) noong nakaraang linggo.
‘Yan din mismo ang pinasasagot ng Commission on Elections (Comelec) kay Koko ngayon.
Kalipikadong ba siyang talaga?!
Pagkatapos umano ay posibleng magharap din sina Koko at Topacio para sa posibleng oral arguments bago magdesisyon ang en banc.
Pero hindi ito dito matatapos, dahil kapag nabigo umano si Topacio, iaakyat pa niya ito sa Supreme Court.
Mukhang kumakarera si Atty. Ferdie at gustong pagpraktisan ang kaso ng kanyang kompadre?!
Ganoon ba ‘yun Atty. Topacio?! Ibang-iba ka talaga!
Tiyak na maraming apisyonado ang hindi bibitiw sa argumentong ito.
Sana’y mapanood natin ang oral arguments nina Senator Koko at Atty. Topacio. Tingnan natin kung matatapatan ni Topacio ang tikas ng kanyang kompadre.
Abangan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap