NAGULAT ang lahat sa pagsipot ni former Parañaque City Mayor at aktor Joey Marquez sa filing ng certificate of candidacy (COC) ng kampo ni incumbent Mayor Edwin Olivarez at ng mga kasama niya sa partido, lalo nang malaman na suportado ng aktor maging si Vice Mayor Rico Golez na kalaban ng anak ng aktor na si dating Brgy. BF Homes chairman Jeremy Marquez.
***
Sabi ng dating Alkalde, hindi umano nagsabi sa kanya ang kanyang anak na tatakbo. “This is politics…” dagdag ni Marquez ng aking kapanayamin.
Ayon kay Marquez alam ng kanyang anak na si Jeremy, matagal na panahon na niyang suportado ang mga Olivarez. Marahil dahil nais talagang kumandidato bilang bise alkalde ay sumama sa kalabang partido.
***
Tinukoy ni Marquez na hindi nagsabi sa kanya si Jeremy na kakandidato bilang vice mayor dahil alam ng anak niya na tututol siya dahil suportado niya ang buong Olivarez Team.
“Malaki na siya at kanya-kanyang pananaw sa buhay maski sa politics mayroon tayong pinapaboran,” dagdag ni Marquez.
TATLONG MAYOR
SA LUNGSOD NG PASAY
Kung sa Parañaque City ay dalawa ang magkatunggali for Mayor, sa lungsod ng Pasay ay tatlo!
Sino kaya kina Emi Calixto-Rubiano, Chet Cuneta at Edward Togonon ang magiging mapalad sa 2019 local elections. Magapi kaya nina Cuneta at Togonon ang mga Calixto na parang napakaimposible!
Kaibigan ko si Togonon, puwede sila maging Lider. Ewan ko lang sa mayor dahil hindi sinusukat ngayon ang kakayahan kundi mas nakikita ng botante ang karanasan.
Ang kakayahan ni Togonon sa judicial works ay hindi matatawaran, naging chief prosecutor siya sa kalakhang Maynila at Muntinlupa… pero iba ang politika dahil dito namulat ang mga Calixto.
Nagsimula sa yumaong Duay Calixto hanggang sa magkapatid na Tony at Emi Calixto na sa karanasan sa larangan ng politika ay halos ‘cum laude’ na.
Samantala, si Cuneta na bagama’t anak ni dating Mayor Pablo Cuneta na nag-iwan ng legacy sa lungsod ng Pasay ay matagal nang namayapa at ang anak sa ikalawang asawa nito na si Chet ay isinusubo ngayon para alkalde ng lungsod ng Pasay.
Si Chet ay ipinanganak na may silver spoon sa bibig na walang karanasan sa serbisyo publiko. Sakaling manalo, hindi kaya mahirapan dahil kulang o walang sapat na karanasan pa sa politika?
Whoever ang maupo, mas naniniwala ako na magtatagumpay ang mga nagsilbi nang matagal at naging bahagi na ng politika sa lungsod ng Pasay!
ISUMBONG MO
KAY DRAGON LADY
ni Amor Virata