NAGKAROON ng komosyon sa tanggapan ng Commission on Election sa Camarines Sur nang pagtulungan ng mga tao ang isang lalaking armado umano ng baril at nagtangkang lumapit kay Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., na maghahain noon ng kaniyang Certificate of Candidacy, kamakalawa.
Ayon sa ulat, sinabing pinagtulungan ng mga tao ang lalaki na mahawakan at mapigilan dahil nagtangka raw bumunot ng baril.
Ngunit mariing itinanggi ng lalaki na sa kaniya ang nakuhang baril at nagpakilalang miyembro siya ng Civil Security Unit ng kapitolyo.
Nasa lugar lang umano siya para manood ng mga nangyayari sa labas ng Comelec.
Nang mangyari ang insidente, nakatakdang maghain ng COC si Andaya para tumakbong gobernador ng Camarines Sur.
Makakalaban ni Andaya ang kasalukuyang gobernador ng lalawigan na si Migz Villafuerte.
Sa hiwalay na ulat, sinabing bago maisakay sa police mobile ang lalaki, isang lalaking nagpakilalang pinuno ng CSU ng kapitolyo ang nagsabing tauhan niya ang inarestong lalaki.
Ayon kay Andaya, kasalukuyang House Majority leader sa Kamara, sinabi sa kaniya ng kaniyang security aide na matagal na umano siyang minamanmanan ng nahuling lalaki.
Mahaharap sa kasong illegal possession of firearms ang nasabing lalaki.