NANGANGAMBA umano sa buhay niya at sa buhay ng kanyang pamilya, umatras na ang Airport screener na biktima ng pambu-bully ni ACTS-OFW party-list Representative Aniceto Bertiz lll nitong September 29, 2018 sa domestic terminal 2.
Sa huling ulat, sinabing hindi na maghahain ng reklamo sa Pasay City Prosecutors Office at sa House of Congress laban kay Bertiz ang airport screener dahil nga natatakot umano siya.
Ayon kay Office of Transportation Security (OTS) head executive assistant General Napoleon Cuaton, dating chief of PNP-Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), umatras si airport screener Hamilton Abdul, 27 anyos.
Kahapon umano ng umaga ay nagpunta si Abdul sa OTS office kasama ang kanyang ama, at sinabing hindi na siya maghahain ng reklamo sa takot na balikan siya.
Ayon kay Cuaton, bagong kasal si Abdul at mayroong kambal na anak kaya gusto niyang maging tahimik ang kanyang buhay.
“It’s up to them, mahirap pilitin, kasi siya ang involved, but I told them the OTS is here whenever you need our help you can count on us and we will support any of our employees who are doing their jobs in accordance with the law in securing the airport from passengers who might bring terror,” ani Cuaton.
Ayon mismo kay Cuaton, si Bertiz ay maaaring sampahan ng kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code.
Aba, ibang klase rin naman. Kung hindi rin naman kayang panindigan ang reklamo e bakit umabot sa malaking isyu ang insidente ng pambu-bully sa kanya sa airport?!
At kung hindi magrereklamo ang taong nasasangkot, hindi na rin ba kikibo ang Airport officials partikular ang MIAA at OTS?!
Sonabagan!
E kahit sino palang opisyal ng pamahalaan, puwedeng i-bully ang mga taga-Airport?!
Ang isyu rito, may isang elected official na nagpakita nang labis na pang-aabuso sa isang empleyado ng gobyerno.
Si Cong Bertiz, nag-sorry sa sarili niyang pamamaraan at naospital, inabsuwelto na?!
Tsk tsk tsk…
Pero kung ordinaryong tao ang nasangkot sa ganyang insidente, tiyak na kalaboso agad at tiyak may kaso pa hanggang gayon.
Talaga bang ganito na sa ating bansa? Isang mambabatas ang numero unong lumalabag sa umiiral na batas?!
Tama ba ‘yan sa mata ng ating mga kabataan?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap