DIRETSO ang last year’s runner-up Lyceum of the Philippines Pirates sa kanilang pamamayagpag matapos itaob ang naghihingalong Mapua University Cardinals, 92-76 sa 94th NCAA basketball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Umarangkada sa second quarter ang Pirates upang hawakan ang 20-point lead, 53-32 sa halftime at hindi na lumingon sa likuran hanggang sa matapos ang laban.
Nagtala si reigning Most Valuable Player (MVP) CJ Perez ng 20 points upang ilista ang 14-1 karta ng Intramuros-based squad Lyceum at ipalasap sa kanilang kapit-bahay na Cardinals ang pang 11 talo sa 15 laro.
Samantala, kahit wala nang pag-asa sa semifinals, ipinakita pa rin ng Emilio Aguinaldo College Generals ang kanilang tikas.
Lumaban nang sabayan ang Generals upang sikwatin ang 78-70 panalo laban sa Arellano University Chiefs sa unang salang.
Kumana si Jerome Garcia ng game-high 25 points, anim na rebounds at limang assists habang nilista ni JP Magullano ang double-double na 15 puntos at 10 boards para sa Generals na kinalawit ang pangalawang sunod na panalo.
May 4-12 card ang EAC at para kay coach Ariel Sison kailangan nilang ibuhos ang kanilang lakas sa natitirang laban.
“We want to finish the season strong,” saad ni Sison. “The good thing now is that were showing teamwork and I can see the desire in the players.”
(ARABELA PRINCESS DAWA)